Adventure Time: St. Clare Monastery at Antipolo Cathedral

Matagal na naming plano ni Mama na pumunta sa National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o mas kilala bilang Antipolo Cathedral. At sa wakas, natuloy din noong Sabado (04-05-2014) kasama si Ate C.

Nag-commute lang kami papuntang Antipolo. Galing kami sa South kaya sumakay kami sa LRT Line 1 EDSA station hanggang Doroteo Jose station. Lumipat kami sa LRT Line 2 na naka-konekta sa LRT Line 1 at bumaba sa Katipunan Station. Sa ilalim ng overpass na malapit sa may LRT station, nandoon yung mga jeep papuntang Antipolo.

Pero bago kami sumakay ng jeep, dumaan muna kami sa St. Clare Monastery. Matagal na kaming pumupunta doon. Ang kwento ni Mama, hindi daw naging madali na magka-anak sila ni Papa. Sinabihan sya ng isa nyang ka-opisina na pumunta doon. Pinuntahan nila yun ni Papa at humiling kay St. Clare na sana magka-anak na sila. At natupad yung hiling nila, kaya nandito ako ngayon. Simula noon, pumupunta kami doon pag may pagkakataon para humiling at magpasalamat kay St. Clare at sumulat sa mga madre para sa mga prayer intentions.

St. Clare Monastery – Katipunan Avenue (© Inquirer)

Pagkatapos magdasal sa St. Clare Monastery, sumakay na kami papuntang Antipolo Cathedral. May kalayuan din, pero nakakaaliw naman dahil sa mga tanawing nakikita ko bilang “first time” ko makapunta doon. Maganda ang naging byahe namin papuntang Antipolo. Nakakatuwa dahil paakyat ang daan, maluwag ang karsada at walang masyadong traffic. Maaliwalas din dahil sa mga puno. Nakakatuwa din yung mga jeep nila, puro makukulay at may drawing. Pati yung mga tricycle nila, iba dun sa mga tricycle na nakikita ko.

Pagdating namin sa Antipolo Cathedral, nakapag communion na. Hindi ito katulad ng tipikal na hugis ng simbahan na square o kaya ay rectangle dahil pabilog ang hugis nito. Hindi din ito kalakihan. Nang patapos na ang mass, sinabi ng pari na may kasunod ulit na mass kaya naman nagsimba na din kami. Nakakatuwa magmisa yung pari. Mabilis at sobrang energetic sya at para lang syang teacher na gising na gising ka pag nagtuturo.

Pagkatapos ng mass, pumunta kami sa second floor sa likod ng simbahan. Parang mini museum, kaso hindi pwedeng picture-an. Nandoon yung mga damit, jewelries, mga pabango na ginamit ng Birhen ng Antipolo at ang belo na maaring halikan ng mga deboto. Sayang lang dahil hindi ko nabasa lahat ng nakasulat tungkol sa Birhen dahil nakapila kami at medyo nakakahiya kung tumigil ako at magbasa.

Sa loob ng National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage/Antipolo Cathedral - Antipolo City, Rizal

Sa loob ng National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage/Antipolo Cathedral – Antipolo City, Rizal

National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage/Antipolo Cathedral - Antipolo City, Rizal

National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage/Antipolo Cathedral – Antipolo City, Rizal

Syempre, hindi din mawawala ang pagbili ng souvenir. Bumili kami ni Mama ng bracelet na rosary at tatlong maliliit na cross (isa sa amin, isa para kay Tita R at isa para kay Tita A na mga kapatid ni Mama) na pina-bless namin. At dahil tanyag ang Antipolo sa kanilang kasoy, bumili din kami.

Isa sa magagandang lugar na napuntahan ko ang Antipolo. Sana makabalik ulit ako dito. 🙂

Adventure Time: Chowking at Ice Cream

Niyaya ako ni Ate E (asawa ng pinsan ko) kumain sa Mang Inasal. Libre nya dahil ata nasa top sila G at K (mga anak nya). Sabi ko, sige pero maliligo muna ako. Dahil hapon na noon, ginabi na din kami dahil sa kabagalan ko maligo. Malas ko pa, inabutan ako ng brownout sa banyo. Medyo nataranta ako dahil sobrang dilim. Haha. Niyaya na din ni Ate E ang nanay ko, si Tita E at Tita A dahil sabi daw ni Kuya I, dun na kami maghapunan.

Pag dating namin sa Mang Inasal, walang masyadong tao, medyo malabo yung ilaw at mausok pa. Parang ayoko na. Tinanong ng nanay ko kung brownout sa kanila. Sabi nung nasa cashier, mahina daw yung dating sa kanila ng kuryente. Ayaw na din nila kasi nga medyo madilim, mainit at mausok. Kaya ayun, nauwi kami sa Chowking.

Wala akong maisip na kainin kaya ginaya ko na lang kung anong order nila. Lumpiang Shanghai Lauriat. Ok naman. Masarap yung Shanghai kasi malutong at bagong luto. Siomai with toyomansi, whooo! Sarap! Samahan mo pa nung bilog na may monggo sa loob (di ko alam tawag eh, ano bang tawag dun?). Oks na oks. Di ko na nakain yung pansit sa kabusugan, pati yung chicharap kasi di naman ako kumakain nun.

Pagkatapos namin kumain, nagyaya si Tita E sa 7eleven. Mag-ice cream daw kami. Syempre tuwang tuwa ang mga bata (at nagbabata-bataan tulad ko). Dahil medyo malapit lang naman ang 7eleven mula sa Chowking, naglakad na lang kami.

Malapit na kami sa 7eleven, patawid na nga kami. May kakadating lang na naka-motor sa tindahan malapit sa tawiran. Parang kilala ko, pero di ko na pinansin. Nung malapit na kami sa tindahan, “Hi Cha!” Ahh. Kilala ko nga. Sabi na eh. Napa- “Uy!” na lang ako. Sya kasi si C, nanligaw sakin dati. Hindi ko sinagot kasi sinungaling, ni hindi nga kami close nun eh. Nung sabi ko na friends na lang kami, hindi na nagtext ulit. In-unfriend pa ko sa Facebook.

Anyway, nung nakatawid na kami papuntang 7eleven, niloko ako ni G (7 yrs old). “Hi Cha!”, sabi nya. Ginagaya nya kasi si C. Tapos dinagdagan pa ni Ate E na sinusulsulan si G na asarin ako. Haha.

Umorder kami ng ice cream sa 7eleven. Yung tig-15. Gusto ko sana vanilla. Kaso wala kaya chocolate na lang. Pero nung last cone na, wala na daw chocolate, strawberry na lang daw. Sabi ni Tita E, kanya na lang daw yung strawberry. Pero ayoko kasi nung chocolate kasi sobrang tamis para sakin kaya strawberry na lang yung sakin. Yung inaakala kong hindi gaanong matamis, eh matamis din pala. Hindi ko din naubos. Sayang.

Bago umuwi, naglakad lakad muna kami sa plaza para daw bumaba yung mga kinain namin. Katapat lang kasi ng 7eleven yung plaza sa amin. Noong pauwi na, dahil 7 kami, 2 tricycle ang sasakyan namin. Pinauna na namin sila Ate E, Tita E, G at K sa unang tricycle. Ako, si Mama at si Tita A naman sa pangalawa. Dahil tatlo kami, may isang aangkas sa likod ng tricycle o kaya naman dun uupo sa maliit na upuan sa loob. Balak ko sanang umangkas na lang sa likod, pero ayaw ako payagan ni Mama kaya napilitan akong umupo dun sa upuan na halos hindi ko naman talaga maupuan. Pagsakay ko sa loob, pinipilit nung driver na yung isa daw, sa likod. Sabi ni Mama, ok lang daw na tatlo kami sa loob. Pero makulit si manong, pinipilit nya talaga na yung isa sa likod umupo. Medyo napikon si Mama kaya nasabi nya na kung ayaw daw nung driver na tatlo kami sa loob, bababa na lang kami tutal madami pa namang ibang tricycle. Bumaba na kami. Pagkababa namin, hindi pa nakuntento si manong, sumigaw sya ng “Eh di wag! Sinong tinakot nyo?”

Mula plaza, umikot tuloy kami sa kabilang kalye para makasakay ng tricycle. Pagdating namin sa kalye namin, nagulat si Ate E. Akala daw nya, kasunod nila kami. Kaya daw pala sabi ni G sa kanya “Ma, kawawa sila ninang. Naglalakad.”