Something In-Between

I did not know I can be this broken. But I am now.

Nagsimula lahat sa isang simpleng Merry Christmas!” na nasundan ng mahahabang reply at walang katapusang kwentuhan. Di ko alam kung paano, pero ganun. Ang mga “Kamusta ka na?”, naging “Kumain ka na ba?” Habang tumatagal, nadadagdagan na yung mga tanong ng “Nasa bahay ka na ba?” o kaya naman “Magtext ka pag nasa bahay ka na ha.”  na naging “Pwede ba kitang ihatid sa inyo?”  At ang pinaka malinaw sa lahat, “Pwede ba kitang ligawan?”

Araw-araw na tayong magkatext. Yung tipong kahit Smart yung gamit mo, at Globe ako, naka unlitext to all networks tayo (though eventually, nag Globe ka na din naman). Yung tipong kahit office hours at magkasama lang naman sa iisang building, magkatext pa din. Kapag may lakad ako ng Sunday, alam mo kung sino ang kasama ko, kung saan ako pupunta, kung nasaan ako exactly at kung pauwi na ba ako. Kapag may lakad ka na hindi yung mga barkada natin ang kasama mo, para akong sirang plakang paulit ulit sinasabi sayo na wag kang uminom ng madami, hanggang dalawang bote lang. Alam kong tamad ka kumain kaya pag dinner time na, kinukulit na kita para kumain na halos maasar ka na dahil hindi kita tinatantanan hangga’t alam kong hindi ka pa din kumakain. At kapag nag text na ako sayo sa umaga, ako naman yung hindi mo tinatantanan kasi alam mong hindi pa ako bumabangon kahit 11am na. Nag aaway tayo, pero hindi tayo natutulog ng hindi tayo nagkakabati. Tulad nung sa isang officemate natin na kinaiinisan mo dahil sabi mo sakin mukhang pinopormahan ako. Ipinipilit ko sayo na hindi, pero sabi mo alam mo yun kasi lalaki ka kaya dumistansya ako sa kanya. Isang beses naman, birthday ng kasama mo sa division kaya sabi mo lalabas kayo at magiinom. Tapos bigla kang nagtext na nasa beer house na kayo pero wala yun sa original plan kaya hindi mo alam. Nag promise ka na no girls para sayo, pero sobrang inis ko sayo nun kaya siguro halos kakasend ko lang sayo ng text, magrereply ka agad.

Sabay tayo pumapasok sa office. Sabay tayong umuuwi after work. Pinadalhan mo pa nga ko ng Cafe Latte from McDo kasi natabig nung isang friend natin yung binili ko. Kinilig kaya ako nun. Sinundo mo pa ako pagkatapos ng OT ko ng Saturday sa South. February 13 yun kaya nag dinner tayo. Nag sorry ka pa kasi wala kang dalang flowers kasi sabi mo nagmamadali ka dahil ma-le-late ka na sa pagsundo ko sakin dahil na-traffic ka. Niloloko mo pa nga ko habang naglalakad tayo na buti pa yung mga nakakasalubong satin ang sweet. Tapos hinatid mo pa ko pauwi.

Pero hindi mo sinabi sa barkada natin yung nangyayari. At lalong hindi ako ang mauunang magsabi nun sa kanila dahil ayokong sakin manggaling. Bakit nga ba? Pero ok lang, kasi masaya ka naman, masaya naman ako. Masaya naman tayo. Yun naman yung mas importante di ba?

Ganun tayo. Walang label. Hindi tayo, pero parang tayo. Something in-between.

It took a long time before I admitted to myself that I am starting to fall for you. And yes, I did fell for you, falling for you every single day.

Hindi ko na ma-contain yung feelings ko kaya sinabi ko na sa isang close friend. Kay M. Sinabi ko sa kanya na yung isang daliri kong nakakapit para hindi tuluyang bumigay sayo, eh bumibitaw na. Pero bukod sakin, may nahulog na pala sayo. Si C. Si C na isa sa mga close friends ko. Si C na parang kapatid ko na. At sabi nya, mas complicated yung sitwasyon nya at sobrang nasasaktan sya dahil alam nyang wala kang gusto sa kanya. Pero hindi lang yun ang problema. Ang problema, may nangyari sa inyo. Friends with benefits. At ang mas malala, hindi lang isang beses may nangyari sa inyo ni C.

Pero sabi nga nila, Love is blind. Hindi lang siguro applicable ito sa physical appearance ng isang tao, kundi pati na rin sa mga ginawa o ginagawa nya. Kung mahal mo, hindi mo makikita ang kahit anong mali sa kanya. Kaya pinalagpas ko lang. Di ako nagsalita. Parang wala akong nalaman. Kinimkim ko na lang sa sarili ko. Inassume ko na wala ng nangyayari sa inyo dahil sa “something” natin, tutal last year pa naman daw yun. Balik tayo sa normal. Balik tayo sa pagitan ng “tayo” at hindi.

Isang beses, nakita ako ni S (isa sa mga close friend din namin ni C) na katext kita. Tinanong nya ko kung ano daw pinaguusapan natin. Sabi ko humihingi lang ako ng ballpen sayo. Totoo naman, hindi ako nagsinungaling pero part lang ng katotohanan yung sinabi ko. Tapos tinanong nya ko kung may “something” daw ba satin. Tumanggi ako, syempre. Kasi nga hindi mo naman sinasabi sa kanila at ayokong sakin manggaling yun. Akala ko bumenta, hindi pala. Ilang araw pagkatapos nun, pinapunta ako ni S sa office nila after work dahil may ipapakita daw syang video sakin. Pag pasok ko, nakaupo si C. Di ako mapakali kasi alam ko na kung anong mangyayari. Ni-lock ni S yung pinto at nag-usap kami. Ang dami kong nalaman. Nagulat ako kung gaano ako ka-tanga at ka-bulag para hindi malaman yung mga yun. At yung akala kong tapos na, di pa pala. May nangyayari pa din sa inyo ni C. Kung exam siguro to, baka bumagsak na ko dahil mukhang mali ang pagkakakilala ko sayo.

Umiyak ako, sa totoo lang, dahil feeling ko tinraydor ako. Magkaka-barkada tayo eh. Ikaw, ako, si C. Sabay sabay pa nga tayo kumain pag lunch. Pero bakit nangyari yung ganun? Bakit umabot sa ganun? Paano mo nagagawang maging ok, na parang walang nangyari, kapag magkakasama tayo? Paano mo nagawa sa amin yun? Alam mo namang sobrang close namin ni C di ba. Naisip mo ba na pag nalaman ko to, masasaktan ako? Akala ko ba sabi mo mahal mo ko? Paano mo nagawa sakin yun?

May ilang weeks din akong hindi nagrereply sayo. Hindi ko sinasagot yung tawag mo. Hindi ako nagpapakita sayo. Umiiwas ako. Pinaliit ko ang mundo ko para lang makapag tago sayo. Pero nahihirapan din ako kaya nakipag usap ako sayo. Ipinipilit mo na wala talagang nangyari sa inyo. Kung hindi ko pa sasabihing alam ko na yung nangyari, di ka pa aamin. Nag sorry ka at humingi ka ng second chance. Pero paano ko ibibigay ang second chance mo kung naibigay ko na sayo noong unang beses na pinili kong hindi magsalita tungkol sa nangyayari sa inyo ni C na akala ko hindi na mauulit? Paano pa ko magtitiwala sayo kung harap-harapan mo na pala akong niloloko?

Parang gusto kong magkulong na lang sa kwarto. Parang gusto ko na lang maglaho. Sana nga may time machine na lang para maibalik ko mula sa simula ang lahat ng ito. Baka hindi ko na lang pipiliin na maging ganito tayo. Hindi na lang ako magtetext sayo na pababa na ako ng van para sunduin mo. Hindi na lang ako sasama mag almusal sayo.  Hindi na lang ako magrereply sa mga text mo.

“Paano na tayo?” sabi mo.

Paano magiging tayo kung ginago mo ako?

Pero sa pagkakataong maibalik ko nga sa simula to, pipiliin ko pa din ang lahat ng to dahil naging masaya ako. Minahal kita, at sa tingin ko mahal pa din kita. Mahirap, oo. Masakit, sobra. Pero alam kong kailangan kong matuto sa mga nangyari. Kailangan kong maramdaman ang mga to. Pero sa ngayon…

…wala ng “tayo.”

Walang magiging “tayo.”