MRT

Sumakay ako ng MRT sa North Avenue Station.

Pauwi na ako galing sa Trinoma.

3 PM pa lang pero medyo madaming tao dahil nagkaroon ng sira yung isang tren.

Pagdating sa Quezon Avenue Station, medyo nagsisiksikan na.

Tatayo na sana ako para makaupo yung magasawang matanda pero may dalawang babae na ang tumayo.

Sa kalagitnaan ng pag-andar ng tren, nakita ko ang isang lalaking matanda.

Hindi ako makatayo dahil siksikan na.

Nang tumigil ang tren sa GMA-Kamuning Station, tumayo ako para makaupo si lolo.

Ayaw pa nya noong una, pero sinabihan din sya nung isa sa mga babaeng tumayo na umupo na dahil baka matumba sya.

Umupo si lolo at nagpasalamat sa akin.

Ngumiti ako at sinabing, “Sige po.”

Habang umaandar ang tren, pasulyap sulyap ako sa kanya.

Nagpapaypay sya gamit ang sumbrero habang nakapikit.

Naalala ko ang lolo ko, ang tatay.

Pagdating sa Ortigas Station, tumayo sya.

Ngumiti sya at nagpasalamat muli.

Ngumiti din ako at sinabing, “Sige po.”

Pagsara ng pinto, nakita ko si lolo na nakatayo malapit sa pinto.

Inisip ko kung bakit tumayo agad sya eh hindi pa naman pala sya bababa.

Pagtigil ng tren sa Shaw Boulevard Station, lumingon ako sa kinatatayuan ni lolo.

Lumingon din si lolo at muling ngumiti at nagpasalamat.

Ngumiti ulit ako.

Sa Shaw pala sya bababa.

Pagdating ng Boni Avenue, nakaupo na ako.

Hanggang noon, iniisip ko pa din si lolo at naalala ang tatay.

Pinigilan ko ang luha ko at pinilit mag-hikab para maitago ang namumuong luha sa gilid ng mata ko.

Hanggang sa pagbaba ko sa Taft Station, yung mga pangyayaring yun pa din ang naiisip ko.

At sa pagbaba kong yun, isa lang ang napagtanto ko.

Nakakataba talaga ng puso ang makagawa ng mabuti sa kapwa mo kahit sa maliit na paraan.

I miss you and I love you, Tatay!